Iniulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na naobserbahan ngayong araw ng Miyerkules ang pagtaas sa seismic activity sa Bulkang Kanlaon sa Negros island base sa inilabas na advisory.
Ito ay matapos na makapagtala ng kabuuang 36 na volcano-tectonic earthquakes ngayong linggo mula Setyembre 4 hanggang 6.
May lakas na pumapalo sa local magnitude (ML) 0.8 hanggang ML.3.4 ang pagyanig na naitala sa bulkan at may lalim na 0 hanggang 9 kilometers sa ilalim ng northeast flank ng kanlaon range.
Ayon pa sa Phivolcs, nasa average na 412 tonelada ng volcanic sulfur dioxide gas emission mula sa bunganga ng bulkan ang ibinubuga kada araw noong Agosto 20, 2023.
Kayat paalala ng Phivolcs sa publiko na nananatili pa rin ang Alert level 1 sa Kanlaon at posibleng itaas pa sa Alert level 2 kapag nagkaroon ng pagtaas sa mga aktibidad ng bulkan base sa monitoring parameters.
Kaugnay nito, mahigpit na paalala ng ahensiya sa publiko at lokal na pamahalaan na maging vigilant at iwasang pumasok sa 4-kilometer permanent danger zone dahil sa mataas na posibilidad ng biglaan at mapanganib na phreatic eruptions.
Pinapayuhan din ang civil aviation authorites na abisuhan ang kanilang mga piloto para iwasan ang pagpapalipad ng mga sasakyang panghimpapawid malapit sa bunganga ng bulkan.