Dinipensahan ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang pagtaas sa programmed debt ng Pilipinas na aabot na sa 60 percent proportion ng gross domestic product threshold pagsapit ng 2022.
Sa budget deliberations sa Kamara, sinabi ni Dominguez na ang debt-to-GDP ratio ng national government ay nakikitang tataas sa 60% sa 2022, mula sa programmed 16-year high na 59% ngayong taon, na nagkakahalaga ng P11.73 trillion.
Nauna nang sinabi ng pamahalaan na papanatilihin nilang nasa “sustainable and responsible level” ang utang ng bansa.
Kapag kasi mababa ang debt-to-GDP ratio, ibig-sabihin lamang ay nagagawang makapagbayad ng isang bansa sa mga utang nito.
Pero ayon kay Dominguez, pansamantala lamang ang pagtaas sa debt level ng bansa dahil sa “universal shock” na nangyari sa financial positions hindi lamang ng Pilipinas kundi maging sa lahat ng bansa sa mundo.
Base sa datos mula sa Bureau of Treasury, ang running debt balance ng Pilipinas ay pumalo na sa P11.166 trillion hanggang noong katapusan ng Hunyo, mas mataas ng 0.9% o P11.071 trillion noon namang Mayo.
Para matiyak ang solid recovery ng ekonomiya, iginiit ni Dominguez na dapat matiyak na palaging nasusunod ang fiscal responsibility ng bansa.