-- Advertisements --

Kinuwestiyon ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang pagsuri na ginawa ng tax expert na si Mon Abrea sa financial records ng Pharmally Pharmaceutical Corporation – ang pinakamalaking pandemic contracts supplier ng pamahalaan.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on good government and public accountability, iginiit ni Marcoleta na malinaw na nakasaad sa ilalim ng Bayanihan 1 na hindi kailangan tanungin ang minimum capitalization ng isang kompanya, at kung saan nanggagaling ang perang ginagamit ng mga ito.

Ibig sabihin, wala aniyang karapatan si Abrea para magsabi kung mayroong due diligence o wala sa proseso nang pagbili ng pamahalaan ng mga pandemic supplies mula sa Pharmally dahil pinapahintulutan nga ng Bayanihan 1 ang mas maluwag na procurement process.

Dipensa naman ni Abrea, ginagawa ang ganitong pagsusuri upang sa gayon ay matiyak na hindi naman lugi ang pamahalaan sa mga kontratang pinapasukan nito.

Sa pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, sinabi ni Abrea na ang Pharmally, na nagsimula noong 2019 ay mayroon lamang capital na P625,000, at tumaas ng hanggang P7.2 billion noon lamang 2020.

Bagama’t hindi naman iligal na magkaroon ng ganon kalaking assets sa loob lamang ng isang taon, iginiit ni Abrea na hindi rin ito maituturing na normal.