-- Advertisements --
image 109

Pagpapahayag lamang ng kanilang ‘freedom of expression’ sa pagpapakita ng pagkakaisa hinggil sa inaangking teritoryo ng China sa West Philippine Sea ang pagsusuot ng ilang senador ng statement shirt nang manood ng laban ng Gilas Pilipinas at China sa FIBA Basketball World cup nitong Sabado.

Ito ang paliwanag ni Senator Francis Tolentino matapos na umani ng samu’t-saring kritisismo mula sa publiko ang pagsusuot nila nina Senate President Juan Miguel Zubiri, Majority Leader Joel Villanueva, Senador Sonny Angara, Senador Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, at Senador Christopher Lawrence ‘Bong’ Go ng “West Philippine Sea” t-shirt sa naging laban ng dalawang koponan.

Hirit kasi ng ilan na hindi dapat hinahaluan ng politika ng naturang mga senador ang friendly game lang ng Pilipinas at China sa nasabing torneyo.

Sagot ni Sen. Tolentino, walang masama sa pagpapakita ng political belief sa West Philippine Sea maging sa isang sports event.

Kaugnay nito ay ipinunto rin ng naturang mambabatas na noong opening pa lamang ng FIBA Worldcup ay may ilang indibidwal na rin ang nakasuot ng ganitong statement shirt.

Sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Senate President Zubiri na ang pagsusuot din ng nasabing statement shirt ay bilang tugon na rin sa inilabas na 10-dash line map ng China.

Habang sinabi naman ni Sen. Bato na ang kanilang ginawa ay pagbuhay naman sa patriotic spirit at motivation naman para sa Gilas Pilipinas.