
Nananatiling mandatoryo pa rin ang pagsusuot ng face mask sa loob ng lahat ng mga tren sa bansa dahil sa tumataas na mga kaso ng COVID19.
Ayon kay DOTr Assistant Secretary for Railways Jorjette Aquino, patuloy ang striktong pagpapatupad ng pagsusuot ng face mask sa Light Rail Transit (LRT) 1 at 2, Metro Rail Transit 3 (MRT3) stations subalit optional lamang sa Philippine National Railways (PNR) stations dahil ito ay open-air spaces.
Paliwanag pa ng DOTr official na base sa kanilang medical professionals sa railways sector nananatili pa rin ang banta ng hawaan ng virus sa mga tren dahil enclosed spaces ang mga ito.
Mayroon namang mga nakadeploy na security personnel sa lahat ng mga istasyon mga tren para masiguro na striktong maipapatupad ang polisiya.
Saad pa ni Aquino na bagamat milyun-milyong mga Pilipino na ang nakatanggap ng Covid19 vaccine, hinikayat nito ang mga mananakay na panatilihing maingat at protektahan ang isa’t isa laban sa virus sa pamamagitan ng pagsusuot ng face mask.
Hinimok din nito ang mga pasahero na magpabakuna ng ikalawang booster shot na available na para sa general adult population at ipinunto na mapapataas ng booster shots ang immunity laban sa virus.










