Epektibo na bukas, Setyembre 1, ang Executive No. 5 na nagsasaad na hindi na obligado ang paggamit ng face mask nitong lungsod ng Cebu matapos nilagdaan na ito kanina ni Cebu City Mayor Mike Rama.
Bilang isang panuntunan, hindi na kinakailangang magsuot ng face mask sa outdoor at open spaces.
Inihayag pa ni Rama na malaya pa rin itong gawin ng mga residente ng lungsod na nagnanais pa ring gumamit ng face mask.
Iginagalang pa rin umano ang karapatan ng bawat indibidwal para sa pangangalaga at proteksyon sa sarili.
Nakasaad naman sa EO na mananatili pa rin ang mandatory na pagsusuot ng face mask sa mga ospital, klinika at iba pang medikal o diagnostic facilities.
Bukod dito, mandatory din ang pagsusuot ng face mask sa mga indibidwal na immunocompromised, at may sakit o may mga sintomas tulad ng trangkaso. Mahigpit namang pinapayuhan ang mga ito na manatili sa bahay at humingi ng agarang medikal na konsultasyon.
Samantala, lagi pa umanong handa ang alkalde na haharap sa mga national officials sakaling ipapatawag kaugnay sa nasabing EO.
Pagtutuunan naman umano ngayon ng pansin ng pamahalaang lungsod ang pagbabakuna at ang pagsulong sa ekonomiya.