-- Advertisements --

Ikinalulugod ng isang mambabatas ang pagsuporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa isinusulong na pag-amyenda sa restrictive economic provisions ng Konstitusyon.

Ayon kay AAMBIS-OWA Partylist Rep. Lex Anthony Cris Colada ang panukalang pagbabago sa Konstitusyon ay magpapadali sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa na magdudulot ng paglago ng ekonomiya na magpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipino.

Umaasa si Colada na magiging positibo ang tugon ng Senado sa pahayag ng Pangulo at agad na aaksyon sa panukala na naglalayong aprubahan ang Konstitusyon.

Muli namang ipinaalala ng mambabatas ang naging pangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri na tatapusin ng Senado ang resolusyon kaugnay sa economic amendment proposals bago ang ‘Holy Week break sa susunod na buwan.

Inihayag din ng mambabatas ang pasasalamat nito sa Pangulo sa pagkilala sa matagal nang adbokasiya ng Mababang Kapulungan para amyendahan ang Konstitusyon mula pa noong Ikawalong Kongreso.

Tiniyak naman ni Colada na tanging nakatuon sa usaping pang-ekonomiya ang kanilang isinusulong at hindi ang pulitikal na pagbabago.

Una na ring inihayag ni Pangulong Marcos na suportado nito ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa talumpati nito sa Constitution Day ng Philippine Constitution Association (Philconsa).

Iginiit ng Pangulo ang kahalagahan na mabago ang mga probisyon ng Konstitusyon na dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga dayuhang mamumuhunan na pumasok sa bansa.

Tiniyak din ng Punong Ehekutibo na irerespeto ang mga kaukulang karapatan ng Kongreso at ang demokratikong proseso sa pagbabago ng Konstitusyon.