Dapat atupagin ng pamahalaan ang pagsugpo sa COVID-19 at kung paano tugunan ang pangangailangan ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho dahil sa pandemiya kaysa unahin pa ang Charter change, ayon kay AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin.
Ginawa ni Garbin ang naturang pahayag matapos na ianunsyo ng DILG noong Biyernes, Hulyo 17, na dalawang Cha-cha proposals ang isinusulong ngayon ng mga miyembro ng League of Municipalities.
Kabilang na rito ang institutionalization ng tinatawag na Mandanas ruling ng Korte Suprema sa internal revenue allotments (IRA) ng mga local government units, gayundin ang pagtanggal ng restrictions sa foreign investment sa pagnenegosyo sa bansa na kasalukuyan ay limitado lamang sa mga Pilipino.
“I ask everyone especially people in the Government and the mayors to be sensitive to the needs of the people and to prioritize their needs instead of pushing for their constitutional reform agenda. Now is not the time for this,” ani Garbin.
Iginiit ng kongresista na kailangan ngayon ng mga lokal na pamahalaan na madagdagan ang kanilang pondo at mapalakas ang kanilang autonomy para mas magampanan pa ang kanilang tungkulin, subalit may ibang pamamaraan aniya na maaring gawin upang sa gayon maisakatuparan ito sa halip na isulong ang Cha-Cha.
Ang pinakamabilis at matipid na paraan para mapalakas aniya ang mga LGUs ay i-lobby sa Kongreso ang amendment sa Local Government Code.
“Hindi natin kailangan nang constitutional reform para ma institutionalize ang “Mandanas Ruling”. A Supreme Court ruling forms part of the law of the land, kailangan lamang ma execute nang DBM at nang iba pang ahensya ang nasabing desisyon upang mapalawak ang source of income nang mga local governments,” giit ni Garbin.
Ayon kay Garbin, hindi na kailangan pang gumastos para sa constitutional reform agenda at ang pera na dapat gagamitin dito ay mas mainam aniyang ilaan na lang sa pagbili ng mga personal protective equipment, gamot sa may sakit at ayuda sa nagugutom, pati na rin ang mga maliliit na negosyo na apektado ng COVID-19 pandemic.