LEGAZPI CITY – Ipagpatuloy lamang umano ni Vice President (VP) Leni Robredo kung ano ang naumpisahan bilang co-chair ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Payo ito ni House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate matapos ang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay VP Leni sa naturang puwesto.
Ayon kay Zarate sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, “hallmark” ng good governance ang transparency kaya maaaring isiwalat ang ilang mga impormasyon sa publiko.
Titiyakin lamang aniya ni Robredo na hindi ito lalabag sa usapin sa national security.
Giit ng mambabatas, dapat na maipabatid ni Robredo kung may natuklasan itong iba pang sangkot sa iligal na droga, panibagong mga “ninja cops” o posibleng koneksyon ng drug lords sa mga opisyal ng pamahalaan.
Umaasa naman si Zarate na may mapapanagot sa madugong kampanya sa nakalipas na tatlong taon na tinawag nitong “anti-poor.”
Hangad nito na makayanan ni Robredo ang mabigat na responsibilidad kahit hindi na aniya nabigyan ng pagkakataon na tuluyang mareporma ang anti-drug war.