-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN – Nagiging maayos na ang pagsasagawa ng Subscriber Identity Module (SIM) card registration sa rehiyon uno.

Ito ang naging pahayag ni Atty. Anna Minelle Maningding, ang Legal Officer ng National Telecommunications Commission (NTC) Region 1.

Umabot na aniya sa kabuuang 24 milyon ang mga subscriber na nakapagparehistro, 14 na porsyento pa lamang ito kumpara sa 168 Milyong subscriber sa Pilipinas.

Wala naman na aniya silang natatanggap na reklamo galing sa mga mamamayan tungkol sa proseso ng pagpaparehistro.

Ang tangi lamang nilang kinakaharap na hamon sa ngayon ay ang maliit na bilang pa rin ng mga registrants.

Sa katunayan nga raw ay base sa kanilang obserbasyon sa kanilang facilitated sim registration naging maayos ang kanilang pag-aasikaso nito.

Wala naman aniyang limit ang sim card na maaaring irehistro ng bawat isang mamamayan sa kahit na anong network.

Patuloy naman ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga interagencies tulad ng Department of Interior and Local Government (DILG), Local Government Units (LGUs), Philippine National Police (PNP) upang mabigyan sila ng impormasyon tungkol sa mga remote areas.

Samantala, para naman sa mga kabataang wala pang valid ID, maaari silang gumamit ng Barangay clearance bilang kanilang requirement.

Dahil 14 porsyento pa lamang daw ang mga nakapagparehistro, nagkakaroon pa rin ng pagkakataon ang ilang mga scammers upang magpadala ng spam messages pero siniguro naman ni Atty. Maningding na kung sakali mang mayroon silang ma-trace na tao ay maaari nilang tignan sa data base.

Patuloy naman nilang hinihikayat ang mga mamamayan na magpa-register na.