-- Advertisements --
image 134

Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines at gayundin ang United States counterpart nito na hindi makakaapekto ang isasagawang Balikatan Exercises ngayong taon sa namumuong tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.

Ito ang ipinahayag ni PH Exercise Director MGen Marvin Licudine sa isang pulong balitaan kasunod ng pormal na pagbubukas ng ika-38 Balikatan Exercises 2023 na itinuturing na pinakamalaking joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

Nasa 420 nautical miles lamang kasi ang layo ng Taiwan mula sa Zambales kung saan gaganapin ang ilan sa mga aktibidad at pagsasanay ng Balikatan Exercises.

Aniya, hindi mapapalala ng naturang military exercises ang tensyon ng China at Taiwan dahil wala naman daw itong kinalaman sa nasabing isyu.

Taon-taon naman kasi aniya itong idinaraos ng pilipinas at amerika kung kaya’t nararapat lang aniya na tingnan at ituring ito bilang hiwalay na pagsasanay.

Paliwanag naman ni Col. Michael Logico, ang Philippine Spokesperson ng Balikatan Exercises 2023, ang pagsasanay na ito ay hindi layuning mang-provoke ng sinuman ngunit ito aniya ay isang paraan ng “deterrence” o pagpapakita ng kakayahang militar laban sa iba pa na nagbabalak na salakayin at sakupin ang ating bansa.

Sa panig naman ni US Exercise Director Representative MGen Eric Austin ay sinabi niya na naiintindihan ng lahat na may mga tensyon nangyayari sa paligid ngunit ang pakikipagtulungan aniya sa mga kaalyadong bansa ang sentro ng kanilang layunin para sa pagsasagawa ng joint military exercise na ito.

Tinatayang aabot sa 12,200 ang bilang ng mga Amerikano habang nasa 5,400 ang bilang ng mga Pilipinong sundalo ang makikilahok sa Balikatan Exercises 2023 na may kabuuang bilang na mahigit 17,600 na mga sundalo.

Sasaksihan ito ng nasa 100 miyembro ng Australian Defense Force na nakatakda rin makilahok sa ilang mga aktibidad.

Layunin nito na mas paigtingin pa ang interoperability ng Pilipinas at Amerika sa iba’t ibang sitwasyon mapa-lupa, himpapawid, at katubigan man.

Bukod dito ay makakatulong din ito sa panig ng AFP upang mas mapabilis pa ang pagpapalakas ng kapalidad ng Pilipinas pagdating sa maritime security, at domain awareness, at marami pang iba.

Gaganapin ito sa North at Central Luzon, Palawan, at Antique na magtatagal naman ng halos dalawang linggo o hanggang Abril 28, 2023.

Kung maaalala, nitong Sabado lamang ay nagsimulang magsagawa ng military drills ang China sa Taiwan strait kasunod ng pagbisita ni US House Speaker Kevin McCarthy sa Taiwan.