-- Advertisements --

Hinihinala ngayon ng Philippine Navy na mula sa isang mas malaking barko ang pinagmulan ng higit 1.5 toneladang shabu na nasabat ng kanilang mga tauhan 50 to 60 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales.

Ang shabu ay tinatayang nagkakahalaga ng P10 billion na naharang sa isang maliit na fishing vessel, lulan ang isang foreign national at apat na Pilipinong mangingisda.

Sa isang pulong balitaan, inihayag ni Northern Luzon Naval Command Commander Commodore Edward Ike De Sagon na hindi pa nila natutukoy ang barkong pinagmulan ng mga iligal na droga.

Naniniwala din ang kanilang hanay na balak ibagsak ang tinatayang 50 sako ng shabu sa bahagi ng West Coast ng Luzon.

Nabatid na ang naging pagharang sa naturang Philippine fishing boat ay bahagi rin aniya ng mga operasyon at mandato ng Philippine Navy para manatiling vigilante dahil sa mga nakaraang insidente ng mga lumulutang na droga sa katubigan ng bansa.

Naging kahina-hinala rin umano ang naging kilos ng naturang barko dahil sa hindi aniya ito nakikihalubilo sa iba pang mga mangingisda at namataan ding mag-isa ang mangingisda.

Paliwanag pa ni De Sagon, bagamat wala ring mga fishing boats sa paligid ng naharang na bangka ay hindi pa rin nila inaalis ang posibilidad na maaaring hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng mga ganitong transaksyon matapos din ang mga naitalang insidente nitong mga nagdaang linggo.

Samantala, nagpapatuloy parin ang imbestigasyon ng Philippine Navy kasama ang iba’t ibang mga ahensya sa gobyerno para matukoy ang mga sangkot sa insidente.