Pinal na ang desisyon ng Commission on Elections na magsagawa ng kauna-unahang mall voting sa nalalapit na Brgy at SK Elections.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, ang isasagawang mall voting ay magsisilbing pilot testing para sa plano nilang malawakang mall voting sa 2025 Midterm Elections.
Sa darating na brgy Elections kasi aniya ay lilimitahan lamang nila ang ito sa 16 na presinto.
14 dito ay sa Metro manila, isa sa Legazpi City sa Albay, at isa naman sa Lungsod ng Cebu.
Naniniwala si Garcia na makakatulong ang nasabing hakbang upang lalo pang mahikayat ang mga botante dahil malayong mas komportable ang pagdaraos ng halalan sa mga mall, kumpara sa mga paaralan.
Pero sa likod, nito, tiniyak pa rin ng opisyal na magsasagawa sila ng konsultasyon sa mga brgy upang malaman kung pabor ba ang mga ito sa nasabing hakbang, kasama na sa kung saang bahagi ng mga mall ilalagay ang mga presinto.
Sa inisyal na plano ng COMELEC, hindi umano gagastos ang komisyon dahil tanging ang mga mall operators ang sasagot sa lahat ng mga gastusin dito.