Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasabatas para hindi na magbayad ng entrance examination fee ang mga kuwalipikadong mag-aaral na nais na pumasok sa pribadong kolehiyo.
Ang panukala ay niratipika ng Kamara de Representantes at Senado noong Mayo at naging isang batas makalipas ang 30-araw matapos na walang maging aksyon laban dito ang Pangulo.
Layunin ng batas na mabigyan ng oportunidad ang mga kuwalipikadong mag-aaral na mayroong pinansyal na limitasyon para makakuha ng pagsusulit sa mga pribadong kolehiyo.
Sa pamamagitan ng isang liham ay ipinarating ni Executive Secretary Lucas Bersamin kay Speaker Romyaldez na naging batas na ang panukala at naging Republic Act No. 12006 noong ika-14 ng Hunyo.
Sa ilalim ng Konstitusyon, si Pangulong Ferdinand Marcos R. Jr. ay may 30-araw para lagdaan o i-veto ang isang panukalang batas na niratipika ng Kongreso.
Kung walang naging pagkilos ang Pangulo, ang panukala ay magiging ganap na batas makaraan ang 30-araw.
Kinilala ni Speaker Romualdez ang mas malawak na implikasyon ng batas na mapa-angat ang isang komunidad na makatulong sa pagpapa-unlad ng bansa.
Ang bagong batas ay nag-uutos sa lahat ng pribadong mataas na institusyong pang-edukasyon na ilibre ang pagkuha ng entrance examination ng mga estudyanteng nagpapakita ng malaking potensyal sa akademiko ngunit walang pambayad ng examination fee.
Inaasahan na libu-libong mga mag-aaral sa bansa ang mabibigyan ng pagkakataon na makakuha ng libreng pagsusulit.
Dahil ang batas ay agad na ipatutupad, ang mga educational institution ay inaatasang sumunod sa sinasaad ng batas, tiyaking lahat ng kuwalipikadong mag-aaaral ay mayroong pagkakataong na makapag-aplay para sa admission ng walang bayad.
Kumpiyansa rin ang pinuno ng Kamara na ang bagong batas ay magiging daan para sa mas inklusibo at patas na sistema ng edukasyon sa Pilipinas.