-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — “Bagamat isang magandang development ay matagal na sanang isinagawa.”

Ito ang binigyang-diin ng Federation of Free Farmers sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa nakatakdang pagsampa ng kaso ng Department of Justice laban sa mga onion smugglers at kartel.

Inihayag ni Leonardo Montemayor, Chairman ng naturang samahan, na naging mabagal ang pag-usad sa nasabing usapin kahit pa nauunawaan nilang dapat na maging maingat ang Kagawaran ng Katarungan sa pagkalap ng matibay na ebidensya sa pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot na sindikato o indibidwal.

Gayunpaman ay naniniwala naman ito na pinag-aralang husto ng mga kinauukulan kung anu-ano ang mga nararapat na kaparusahang isasampa laban sa mga ito, kung saan ang mahalaga aniya ay ang magkaroon ng hudyat o babala sa lahat ng mga nagtatangkang gumawa ng ganitong klaseng krimen na alisto ang pamahalaan na habulin ang mga ito.

Naniniwala rin ito na isang malaking salik ang naging direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa Department of Justice sa pagsilip sa mga nagaganap na hoarding at smuggling ng agricultural products sa pag-usad ng kaso sa mga naturang krimen.

Kaugnay nito ay umaasa naman ang kanilang hanay na hindi lamang sa kaso ng produktong sibuyas magkaroon ng ganitong aksyon, subalit hinihiling din nila na magkaroon ng pag-usad ang pagtingin sa kaso ng bigas kaugnay sa pagtatakda ng price ceiling sa naturang produkto laban sa hoarding, smuggling, at iba pang mga spekulasyon.

Saad nito na kung magkakaroon ng parehong hakbangin at mekanismo sa produktong bigas ay magkaroon ng paga-alinlangan o ‘di naman kaya’y magdalawang-isip ang mga magtatangkang gumawa ng mga ganitong klaseng gawain dahil makikita nilang seryoso ang pamahalaan.