-- Advertisements --

Iniulat ng Manila Police District na naging maayos at mapayapa ang pagsalubong sa kapistahan ng Mahal na Poong Sto Niño ngayong araw, January 15,2023 sa lungsod ng Maynila.

Ayon kay Manila Police District Spokesperson, Police Major Philipp Ines, walang naitalang mga untoward incidents ang pagsalubong sa kapistahan ng Sto Nino sa Pandacan at sa Tondo, Manila.

Kaugnay nito na mahigpit nilang ipapatupad ang police visibility sa mga lugar na sakop ng naturang kapistahan sa Pandacan at sa Tondo, Manila.

Dagdag pa ni Ines na patuloy silang mag-iikot sa mga naturang lugar upang masiguro na nasusunod ang ipinatupad ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila na total liquor ban mula kahapon January 14 hangang ngayong araw January 15.

Samantala, matapos ang dalawang taon na hindi naisagawa ang pista ng Sto. Niño, ginanap ang Lakbayaw sa Tondo at Buling-Buling sa Pandacan kahapon Sabado.

Kasama sa pagdiwang sina Manila Mayor Ma. Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, at mga konsehal ng Districts 1 at 6.

Matapos ang misa sa Archdiocesan Shrine of Sto. Niño – Tondo, nagtanghal ang iba’t ibang mga mananayaw sa Lakbayaw Festival 2023 sa pangunguna ni Cong. Ernix Dionisio.

Kasama naman sa pagsalubong ng dalawang imahe ng Sto. Niño sina Hermana Mayora Honey Lacuna, Hermana Mayor Yul Servo Nieto, sixth district Councilor Philip Lacuna at iba pang mga panauhin.

Sa ganap na ito sa Buling-Buling ay nagsalubong ang imahe ng Sto. Niño ng Iglesia Filipina Independiente at Sto. Niño Parish Pandacan at sabay na nagtungo sa Liwasang Balagtas.

Matapos ng maikling programa ay nagkaroon ng prusisyon kung saan maraming mga imahe mula sa iba’t ibang mga barangay at mga pamilya ang isinayaw ang kanilang mga Sto. Niño at kanilang mga makukulay na kasuotan sa pagdiwang ng pista nito.