Naniniwala si Sen. Sonny Angara na ang paglikha ng mga judges-at-large posts ay makakatulong para mapabilis ang pagresolba nga iba’t ibang kaso sa bansa.

Ayon kay Angara, ang pangunahing may-akda ng Republic Act 11459 o ang Judges-at-Large Act, matitiyak nang pagtalaga ng 150 judges-at-large ang mabilis na pagbibigay ng hustisya sa pamamagitan ng tulong na ibibigay ng mga ito para ma-clear ang mga backlogs ng korte.

Sa isang statement, iginiit ni Angara na matagal nang binabatikos ang sistema ng hustisya sa bansa dahil sa mabagal ang pagbaba ng mga hatol sa iba’t ibang mga kaso.

“The huge caseload of the courts has resulted in the slow disposition of cases, to the detriment of both the victims of crimes, as well as the accused, many of who are innocent but are deprived of their liberty,” ani Angara.

Sinabi ng senador na ang hakbang niya para mapabilis ang pagresolba sa mga kaso ay naglalayong matulungan ang financial at emotional burdens na pasan-pasan ng pamilya ng mga biktima, at pagbabalik na rin ng kalayaan ng mga akusadong inosente naman pala.

Agosto 2019 nang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagmamando sa pagbuo ng 100 regional trial judges-at-large at 50 municipal trial judges-at-large sa buong bansa.

Noong Biyernes lang, inanunsyo naman ng Korte Suprema na sinimulan na nila ang pagtupad sa naturang batas.

Nabatid na bagama’t ang mga itinalagang judges-at-large ay walang permanenteng salas, maaari silang ma-assign bilang acting o assisting judges sa alinmang RTC o MTC sa bansa.

Makakatnaggap sila ng sahod, mga prebelehiyo, allowances, emoluments, benefits, at ranggo at titulo bilang regular RCT at MTC judges.