-- Advertisements --

Umapela si Deputy Speaker at TUCP Party-list Rep. Raymond Democrito Mendoza na repasuhin ng pamahalaan ang polisiya nito sa deployment ng mga OFW.

Itoy sa gitna ng panawagan na mabigyang hustisya si Jullebee Ranara, ang overseas worker na ginahasa, sinunog at pinatay ng anak ng kanyang amo sa Kuwait.

Ayon kay Mendoza, kailangan palakasin ang pagpapa-alam sa mga OFW ng kanilang karapatan at kung saan maaaring lumapit at magsumbong oras na makaranas ng pang-aabuso.

Dapat ay proactive at accessible din aniya ang ating mga help desk sa diplomatic offices gayundin ay magsagawa ng assessment sa kasalukuyang sitwasyon ng mga OFW shelter.

Pinakokonsidera din ng mambabatas ang pagpapatupad ng deployment ban sa mga bansa na hindi pa niraratipikahan ang International Labour Organization (ILO) Convention No. 189 o Domestic Workers Convention of 2011.

Hiling din ng TUCP solon na isama sa review at bagong labor agreement ng Pilipinas sa bansang Kuwait ang tuluyang pagbasura sa Kafala system.