Inamin ng Department of Migrant Workers (DMW) na isa sa kanilang kinakaharap na hamon ngayon ang pagproseso ng visa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) na naiipit sa kaguluhan sa Sudan bago payagan ng mga awtoridad sa Egypt na makapasok sa kanilang bansa.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan Ople, nagpapatupad ngayon ang Egypt ng mas mahigpit na border control sa gitna na rin ng pagbuhos ng evacuees mula sa Sudan na nagdudulot ng problema sa mga Pilipino na nais na makaalis mula sa kaguluhan sa Sudan.
Paliwanag pa ng DMW official na ang maaari lang tumawid ng Sudan ay ang mga may visa kayat kahit na diplomatic passport holder aniya ito hanggang sa Egypt na lamang siya.
Tanging ang Philippine envoy sa Egypt at Vice Consul lamang aniya ang mayroong Sudanese visa at diplomatic passport holder kayat nakatawid ang mga ito sa Sudan para ilikas ang ating mga kababayang Pilipino doon.
Una ng ibinunyag ni Foreign Affairs Undersecretry for Migrant Workers Eduardo de Vega na aabot sa 700 Pilipino sa Sudan at karamihan ay hindi mga dokumentado, ilan naman sa mga inilikas ay nagpaso na ang kanilang pasaporte o wala talagang passport.
Sa parte ng gobyerno, umapela si Ople para sa kooperasyon o bayanihan ng mga apektadong Pilipino sa Sudan at binigyang diin na hindi madali ang sitwasyon ngayon dahil sa mga limitasyong dulot ng mga pinsala ng kaguluhan.
Ginarantiya din ng opisyal na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang maisalba ang ating mga kababayang Pilipino na nasa Sudan.