Nakompromiso raw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang independence ng Kamara bilang isa sa mga sangay ng gobyerno matapos nitong ianunsyo na kanyang napili si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano para maging speaker ng kapulungan sa 18th Congress.
Dahil sa “politics of convenience” na ito, sinabi ni Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate, ang pambato ng Makabayan Bloc sa speakership race, na masasakripisyo rin ang interes ng mayorya ng publiko.
Maging si dating Supreme Court spokesperson Atty Theodore Te ay nagsabi na ang naging desisyon ng Pangulo ay paglabag sa Saligang Batas, partikular na sa Section 16 (1), Article VI.
Nakasaad sa naturang probisyon na ang Senado ang may tanging kapangyarihan para maghalal ng kanilang Presidente, gayundin ang Kamara para sa kanila namang Speaker, sa pamamagitan ng majority vote sa lahat ng mga miyembro nito.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sinubukang dumistansya ng Pangulo sa speakership race, pero makailang ulit daw itong kinalampag ng mga contenders sa pagka-House Speaker at maging ng iba pang kongresista na bumuo na ng desisyon.
Pero ayon kay Te, hindi naman obligado si Pangulong Duterte na pumili sapagkat hindi na ito sakop ng kanyang trabaho kundi ng dalawang kapulungan lamang ng Kongreso bilang paggalang na rin sa doktrina na separation of powers.
Sa kabila nito, ikinalugod naman ni Cayetano ang naging desisyon ng Pangulo kahit pa term sharing sila ni Marinduque Rep. Lord Allan Velasco.
Nangako ang incoming speaker na magiging “Congress of the people” ang Kamara sa kanyang termino.
Umapela rin ito sa mga kapwa niya kongresista na sumali sa aniya’y “Die-hard Duterte Supermajority” (DDSM) para maisulong ang ang pagbibigay ng mga trabaho sa publiko, pagkakaroon ng ligtas at komportableng pamumuhay para sa mga Pilipino, at pagresolba sa pagtaas nang presyo ng mga bilihin sa pamamagitan ng lehislasyon.