Todo paliwanag ngayon ang isang beterano at batikang abogado sa panukala nitong buwagin na ang Judicial and Bar Council (JBC) at ang Commission on Appointments (CA) na ang bahala sa pagsala sa mga ia-appoint sa judiciary.
Sinabi ni Atty. Estelito Mendoza na bagamat kuwalipikado naman daw ang mga appointees pero hindi na ito dumaan sa mga miyembro ng Congress.
Dagdag ni Mendoza na ang kapangyarihang mag-appoint sa mga miyembro ng judiciary ay naka-focus daw sa presidente at hindi na kasali rito ang mga miyembro ng Kongreso.
Inihalimbawa nito ang pagkakatalaga ng mga mahistrado ng Korte Suprema.
Binigyang diin ni Mendoza na ang CA ay kinabibilangan ng mga miyembro ng mayorya at ang minority blocs sa Congress na hindi kontrolado ng pangulo.
Kapag natanggal naman daw ang JBC, ang rekomendasyon sa mga uupo sa puwesto sa hudikatura ay puwedeng magmula kahit sa sinuman kabilang na ang presidente at miyembro ng Kongreso.
Umaasa naman ang beteranong abogado na marami ang susuporta sa kanyang panukala mula sa miyembro ng senador at House of Representatives.
Naniniwala kasi ito na bilang mga mambabatas, interesado raw ang mga ito sa pakikipag-participate sa confirmation ng appointees sa judiciary.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang mga miyembro ng Supreme Court at judges ng lower courts ay dapat na i-appoint ng presidente mula sa listahan na kinabibilangan ng tatlong nominees na inihanda ng JBC pra sa bawat bakanteng puwesto.
Ang JBC ay nasa ilalim naman ng supervision ng Supreme Court na kinabibilangan ng Chief Justice bilang ex-officio chairman, Secretary of Justice at representative ng Congress bilang ex-officio members, representative mula sa Integrated Bar of the Philippines, isang law professor, retiradong miyembro ng Supreme Court at representative mula sa private sector.
Samantala, sa 1987 Constitution ay binibigyan naman ng kapangyarihan ang CA na aprubahan o hindi ang appointments na ginawa ng presidente ng Pilipinas.