May posibilidad umano na maging hati ang saloobin ng mga senador na payagan ang muling pagpapatupad ng death penalty sa bansa.
Ito ay kasunod ng kaliwa’t kanang debate kung dapat bang buhayin ang death penalty sa bansa matapos ang pamamaril ng isang pulis sa mag-ina sa Tarlac.
Ayon kay Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, kung magkakaroon aniya ng botohan ang mga senador ay sa tingin nito na may 50-50 chance na buhayin ulit ang death penalty sa bansa.
Kung sakali man daw na gusto pang pagdebatihan ito ang mga kasamahan niya sa senado ay pwede pa rin umano nila itong pag-usapan.
Sa ngayon kasi ay nananatilu pang pending sa committee level sa Senado ang panukala para sa death penalty.
Ani Zubiri, matindi ang debate hinggil sa death penalty at medyo emosyunal ang nasabing isyu. Kung siya lang daw ang tatanungin ay kumakampi ito sa lahat ng biktima na dapat ang mga gumawa ng karumaldumal na krimen ay dapat maparusahan ng matindi.
Kung magugunita ay inaprubahan noong nakaraang taon ng Senado ang panukala kung saan magkakaroon ng hiwalay na prison facilities ang mga heinous crime convicts.
Dagdag pa ng senador na napakadelikado ring mahatulan ng kamatayan dahil marami pang mali sa criminal justice system ng bansa.
Magiging kawawa aniya rito ang masang Pilipino na walang kapangyarihan at walang pagkakataon na makakuhqa ng magaling na abogado para depensahan ang kanilang sarili.
Para kay Zubiri, dapat ay unahin munang ayusin ang criminal justice system ng bansa.