Mahigpit pa rin na tinututukan ng Philippine National Police (PNP) ang pagpasok ng mga bakuna kontra Coronavirus Disease (COVID) sa bansa.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na rollout ng mga bakuna sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, inatasan nito ang PNP-Anti Cybercrime Group na makipag-ugnayan sa kanilang counterpart sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para i-monitor ang social media.
Sa ngayon aniya ay wala pa naman silang nahuhuli na nagbebenta ng mga pekeng bakuna maliban na lang sa mga pekeng test kits kamakailan.
Nananawagan naman si Sinas sa publiko na huwag tangkilikin kung may makitang magbebenta ng bakuna sa online at ugaliing magpakonsulta muna sa doktor sakaling may maramdaman sa katawan.
Nabatid na tanging mga may Emergency Use Authorization lang na bakuna mula sa Food and Drug Administration ang pinapayagang makapasok sa bansa.
Sa kasalukuyan, tanging Pfizer BioNtech, Astrazeneca at Sinovac pa lang ang mayroon sa Pilipinas.










