Nasa 70% na umano ang House prosecution panel sa pagpresenta sa confidential funds article’ o Article 1, ang alegasyong kinapapalooban ng umano’y maanomalyang paggamit ni VP Sara sa kaniyang confidential at intelligence funds.
Ayon kay panel spokesperson, Rep. Renee Co, malaking bulto ng mga ebidensiya at mga testigong saklaw ng naturang artikulo ay matagumpay nang naipresenta ng mga prosecutor.
Target ng panel na tapusin ang pagpresenta sa naturang artikulo pagsapit ng Miyerkules, Setyembre-9, batay na rin sa naunang manifestation ng prosekusyon.
Ayon kay Rep. Co, naipipinta na ang buong larawan ukol sa maanomalyang paggastos ni VP Sara sa kaniyang intelligence funds na malinaw umanong maituturing bilang betrayal of public trust, isang impeachable offense.
Bago tuluyang matapos ang naturang article, tiniyak ng panel spox na mas mapapatatag pa ang argumento ng mga prosecutor sa pamamagitan ng pagpresenta sa iba pang mga personalidad na kabilang sa mga pangunahing nakakaalam sa paggamit ng mga opisina ni VP Sara sa kaniyang confidential funds.
Kung babalikan, ilang mga malalaking personalidad na ang iprinisenta ng House panel sa impeachment court para sa naturang artikulo.
Kinabibilangan ito ng dalawang bank managers mula sa state-owned bank, dalawang auditor mula sa Commission on Audit, dalawang military official, at dalawang dating executive sa ilalim ni VP Sara.
















