-- Advertisements --

MANILA – Inatasan na ni Justice Sec. Menardo Guevarra ang National Bureau of Investigation (NBI) na palakasin ang kanilang monitoring laban sa mga pekeng bakuna laban sa COVID-19.

Ang direktiba ni Guevarra ay kasunod ng mga lumabas na ulat tungkol sa mga nagsulputan umanong pekeng gamot sa ibang bansa na mula China.

Ayon sa kalihim, gagamitin ng NBI ang mga assets nito para mabantayan ang posibleng pagpuslit sa bansa ng fake coronavirus vaccines.

Iniimbestigahan na rin ng ahensya ang report tungkol sa umano’y importation, bentahan at distribusyon ng COVID-19 vaccines na hindi rehistrado ng Food and Drug Administration (FDA).

Hinihintay pa ng kalihim ang resulta ng pagsisiyasat dito ng NBI.

“I suppose that in the investigation being conducted by the NBI on the alleged entry and distribution of unregistered COVID-19 vaccines in the Philippines, the possible existence of fake vaccines among those being sold underground is included,” ani Guevarra.

Magugunitang inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Disyembre na ilang uniformed personnel ng kanyang Presidential Security Group ang naturukan ng COVID-19 vaccines kahit wala pang nire-rehistro ang FDA.

Sa ilalim ng priority list ng pamahalaan, ikalima ang mga sundalo at pulis sa dapat na makakatanggap ng bakuna.

Una sa listahan ang mga healthcare workers at senior citizens.