LEGAZPI CITY – Tinapos na ng Department of Interior and Local Government (DILG)-Bicol ang kalituhan sa mga residente ng Catanduanes hinggil sa umano’y dalawang gobernador na pumapasok sa provincial capitol.
Nagbaba kasi ng memorandum order si elected Governor Joseph Cua noong Enero 15, 2020, laman ang abiso sa muling pag-upo sa puwesto matapos aniyang magpaso na ang ipinataw na preventive suspension.
Subalit dahil wala pang natatanggap na kopya mula sa DILG, tuloy rin sa trabaho si Acting Governor Shirley Abundo.
Paglilinaw ni DILG Bicol Regional Director Atty. Anthony Nuyda sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na batay sa posisyon ng ahensya at hawak na dokumento, si Abundo pa rin ang kinikilalang in-charge sa lalawigan.
Aniya, sa Abril 28, 2020 pa ang nakatakdang pagtatapos ng suspension ni Cua habang hindi rin applicable ang iginigiit nitong Section 66(b) ng Republic Act 7160 o Local Government Code of 1991 dahil Ombudsman Law aniya ang ipinatutupad.
Kung babalikan, pinatawan ng 6-month preventive suspension ng DILG si Cua noong January 2018 subalit Abril ng kaparehong taon, nagpataw rin ng isang taon na penalty ang Office of the Ombudsman.
Samantala, nakadepende pa rin aniya ang direktiba sa ibababang kautusan ni Interior Secretary Eduardo Año, Office of the Ombudsman at anumang korte na nakakasaklaw sa usapin.