Hinimok ni Magsasaka party-list Rep. Argel Cabatbat ang gobyerno na tiyakin ang kaligtasan at proteksyunan ang mga magsasaka kasunod nang pagkakapaslang sa isang magsasaka sa Nueva Ecija noong bagong taon.
Sa isang statement, ipinaabot ni Cabatbat ang kanyang pagkabahala sa pagkakapaslang sa 35-anyos na si Andy Rivera, na binaril-patay ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na naka-motor noong Enero 1, 2020.
Ayon kay Cabatbat, walang criminal record si Rivera, na kilala rin aniya sa kanilang lugar bilang isang mabait na tao.
“Andy Rivera is not just a statistic; he is a son, a husband, a father. His untimely death brings a different kind of pain to his family, and bringing his perpetrators to justice is only a start of the healing process,” dagdag pa nito.
Nagbabala ang kongresista na sa ngayon lalong nagiging peligroso na ang bansa para sa mga magsasaka.
Batay na rin kasi aniya sa impormasyon mula sa PAN Asia-Pacific, isang international human rights group, sinabi ni Cabatbat na ang Pilipinas ang siyang may pinakamaraming bilang ng mga magsasaka at land rights activists na napaslang noong 2019.
Ang Pilipinas din ang siyang nangnunguna sa listahan ng mga lugar na lubos na mapanganib para sa mga magsasaka sa tatlong magkakasunod na taon.
“As the representative for the farming sector, we find the situation very alarming. Our government, its agencies, and the police must do everything in their power to protect the poorest and most vulnerable sector in the country.”