-- Advertisements --

Tiniyak ng House Committee on Public Information na pinamumunuan ni Agusan Del Norte 1st Dist.Rep. Jose Aquino na isa sa kanilang priority measures ay ipasa ang Freedom of Information (FOI) Bill.

Ito ang inihayag ni Aquino sa isinagawang organizational meeting ng komite.

Kabilang dito ang “An Act Enabling the People’s Constitutional Right of Access to Information”.

Sa ngayon may kabuuang 28 na inihain na House Bill (HB) at dalawang House resolution (HR) ang na-refer sa komite.

Sabi ni Aquino, halos kalahati ng kanilang mga referral ay nasa FOI Bill.

Ang kahalagahan ng Freedom of Information Act ay hindi ito magiging over stated at itataguyod nito ang transparency at accountability sa serbisyo ng gobyerno, magiging involved din dito ang mga apektadong sektor sa paggawa ng desisyon, at magsisilbi itong deterrent sa mga gustong gumamit at abusuhin ang kanilang awtoridad.

Si Kabayan Party-list Rep. Ron Salo, isang miyembro ng komite, ay nagpahayag ng kanyang suporta sa panukala.

Aniya, sa pagkakataon ngayon inaasahan na niya ang pagpasa sa FOI Bill na matagal ng natengga sa Kamara.

Samantala, sinabi ni House Panel chair Rep. Aquino na bukod sa FOI Bill ay uunahin din nila ang pagpasa ng “An Act Requiring Broadcast Media to Allocate Adequate Free Airtime for Public Service Announcements on Vital Public Issues and Concerns”.

Naniniwala naman si Aquino na mahalaga ang role ng komite sa pagsusulong responsableng paggamit ng mga impormasyon.

Ipinunto din ng mambabatas na ang paggamit ng social media platforms ang siyang pinaka mabilis ngayon para makapag transmit ng impormasyon.

Aniya maging ang mga traditional media gaya ng tv, radio, print ay gumagamit na rin ng social media sa pagbibigay ng mga mahahalagang impormasyon.