Sinimulan na ng Office of the Civil Defense ang pagpapatupad ng mga intervention para maibsan ang mga epekto ng El Niño phenomenon.
Bahagi ng masterplan ng pamahalaan para malabanan ang epekto ng El Nino ay maisalba ang mga vulnerable agricultural areas sa pamamagitan ng angkop na pamamahala sa tubig habang magsasagawa naman ng rehabilitasyon sa mga lugar na irrecoverable na.
Ayon kay OCD administrator Undersecretary Ariel Nepomuceno, para magawang mas komprehensibo ang naturang plano, nakikipag usap na rin sila sa mga pribado, local at international organizations.
Nitong Martes, nakipagpulong ang National El Nino team sa ilang private at international partners nito kung saan tinalakay ang mga plano at mga aktibidad sa pagtugon ng epekto ng El Nino.
Dito, nagpresenta naman ang mga ahensya ng gobyerno ng kanilang mga plano at aktibidad para sa usapin ng food security, water security, energy security, health, at public safety.
Sinabi din ni Nepomuceno na nakapaglatag na sila ng national action plan para sa short, medium at long term interventions na natalakay noong mga nakalipas na pagpupulong.