Binigyang diin ngayon ng Inter Agency Task Force (IATF) na hindi pa rin basta-basta ang pagsasagawa ng face-to-face classes dahil sa pangamba ng pagkalat ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) lalo na sa mga estudyante.
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr., puwede namang magsagawa ng face-to-face classes pero ito ay case-to-case basis pa rin.
Sinabi ni Galvez na hindi puwedeng magbukas ang mga paaralan hanggat hindi ito nai-inspect ng IATF.
Ginawa ni COVID-19 chief implementer ang pahayag kasunod ng pag-inspect nito sa Our Lady of Fatima University sa Valenzuela City na kasalukuyang inaayos ang kanilang campus para maka-comply sa COVID-19 protocols.
Dagdag ni Galvez, kailangan talaga ng third party na mag-validate kung talagang nakasunod ang mga paaralan sa minimum health standard na itinakda ng IATF at Department of Health (DoH).
Para naman sa chief implementer, pabor ito sa face-to-face classes pero para sa mga kursong may tinatawag na experiential learning gaya ng mga medical courses.
Una nang sinabi ng Commission on Higher Education (ChEd) na optional ang face-to-face classes sa mga colleges at universities.
Noong nakaraang linggo, sinabi naman ni Education Sec. Leonor Briones na pinag-aaralan na ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na pagkakaroon ng gradual return ng face-to-face classes sa susunod na taon kung mayroong positibong development sa production ng COVID-19 vaccines.
Kung maalala, dahil sa COVID-19 pandemic napilitan ang bansa na ipatupad ang distance learning ngayong school year na kinabibilangan ng mga modules maging ang broadcast at online classes.