Hindi masusugpo ang iligal na kalakalan ng vape products sa pamamagitan ng pagpapababa ng buwis.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Ways and Means, iminungkahi ni Senador Sherwin Gatchalian na palakasin ang enforcement o pagpapatupad ng batas para sugpuin ang iligal na kalakalan ng vape products.
Partikular ng binanggit ng senador ang pagbuo ng mga bagong mekanismo tulad ng pagbibigay ng insentibo sa mga enforcement agencies.
Iginiit nito na sa nakalipas na tatlong mga pagdinig, hindi ang pagpapababa ng buwis sa vapor products ang solusyon para masawata ang illicit trade ng nasabing produkto.
Sa puntong ito, nadismaya si Gatchalian sa mabagal na pag-usad ng mga kaso sa bansa na may kaugnayan sa ilegal na kalakalan.
Batay sa datos na ipinakita sa pagdinig, mula 2018 hanggang 2025, nakapagsagawa ang Bureau of Customs ng 1,296 na pagsamsam. Sa bilang na ito, 64 na kaso lamang ang naisampa; 14 ang nakabinbin sa tanggapan ng piskal; walo ang naisampa sa korte; at dalawa lamang ang may desisyon mula sa korte.
Samantala, ang Bureau of Internal Revenue ay nagsagawa ng 1,636 na pagsamsam mula 2023 hanggang 2025. Sa bilang na ito, 194 na kaso ang naisampa; 15 ang nakabinbin sa tanggapan ng piskal; 14 ang naisampa sa korte; at isa lamang ang may desisyon mula sa korte.
Samantala, sa ngayon ay wala pang nakahain na panukala ang Senado patungkol sa buwis sa vape products dahil naka-recess pa ang Kongreso.