LEGAZPI CITY – Posible na umanong pasimulan ang pagtatayo ng modern slaughterhouse sa Daraga, Albay.
Ito’y matapos mabigyan na ng “go signal” ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng National Meat Inspection Service (NMIS).
Ayon kay NMIS-Bicol Director Alex Templonuevo sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, paglalaanan ang naturang proyekto ng pondo sa ilalim ng Philippine Rural Development Program (PRDP) na aabot sa P60 million.
Sa nasabing halaga, P50 million dito ang full grant ng DA habang P10 million ang counterpart ng Local Govenment Unit (LGU).
Katuwang ng LGU ang DA sa pagpapatayo ng Double AA slaughterhouse sa Barangay de la Paz.
Sinabi pa ni Templonuevo, malaking tulong ang pagkakaroon ng modern slaughterhouse sa bawat LGU upang maiwasan ang hot meat at pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Karamihan kasi sa mga lugar na tinamaan ng ASF sa Bicol ay walang slaughterhouse.