-- Advertisements --

Isinusulong ni Senador Jinggoy Estrada ang pagpapataw ng multa para sa mga mamamahayag, kumpanya ng media o sinumang mapatutunayan na nagkasala sa kasong libelo sa halip na patawan sila ng pagkakakulong.

Ayon kay Estrada, papatawan ng P5,000 hanggang P30,000 na multa ang mga mamamahayag na mapatutunayan na nagkasala sa kasong libelo.

Aniya, mas makatarungan na pagbayarin na lamang ng multa ang sinumang mahahatulan ng korte na nagkasala sa kasong libelo kumpara sa pagpapakulong sa mga ito.

Iminumungkahi pa ng Senador na imbes na ipakulong, na maaaring tumagal mula sa anim na buwan hanggang sa anim na taon, patawan na lamang ng multang P10,000 hanggang P30,000 ang sinumang mahahatulan na nagkasala sa libelo na ginawa sa pamamagitan ng pagsulat, paglilimbag, radyo, cinematographic exhibition, o anumang katulad na paraan.

Itinutulak din ni Estrada ang P5,000 hanggang P15,000 na multa para sa sinumang mapatutunayan na nagbanta na maglabas ng malisyosong balita o pahayag tungkol sa isang indibidwal o sa kanyang mga magulang, asawa, anak, o iba pang miyembro ng pamilya.

Ang nasabing multa, ayon pa kay Estrada, ay dapat ding ipataw sa sinumang nag-aalok na pigilan ang paglalathala ng isang libelous na pahayag o artikulo kapalit ng pera.

Ang libel ay itinuturing na krimen sa ilalim ng Article 353 ng Revised Penal Code (RPC). Ito ay tumutukoy sa publiko at malisyosong imputasyon ng isang krimen, bisyo, o depekto, totoo man o haka-haka, na may potensyal na makapinsala sa reputasyon ng isang tao, o masira ang alaala ng isang namatay na indibidwal.