DAGUPAN CITY – Patuloy na iniimbestigahan ng mga otoridad ang nangyaring pagpapasabog sa harapan ng bahay ni Kapitan Virgilio Garcia ng Barangay Aramal, San Fabian, Pangasinan.

Aminado ang opisyal na may banta sa kanyang buhay na nagsimula pa noong kasagsagan ng May 13 elections.

Malaki ang kanyang hinalang may kaugnayan sa halalan ang pagpapasabog sa harapan ng kanilang bahay.

Mag-a-alas-11:00 ng gabi kamakalawa, mahimbing na natutulog ang 56-anyos na barangay chairman nang bigla siyang nagising sa malakas na pagsabog sa harap ng kanyang bahay.

Nauna rito, pinaputukan na rin ng baril ang kanyang bahay noong Mayo 18. Ito ang dahilan kaya siya nagpunta ng Manila at kababalik lamang nito.

Samantala, narekober ng Explosive Ordinance Division ng Pangasinan Police Provincial Office ang fragments ng granada sa harap ng kanyang bahay.