Hiniling na rin ngayon ng ilang mambabatas sa Supreme Court (SC) na pansamantalang palayain ang ilang inmates na posibleng tamaan ng Coronavirus 2019 (COVID-19).
Sa sulat na ipinadala ng mga mambabatas na sina Rep. Carlos Zarate, Rep. Arlene Brosas at Rep. France Castro, ACT Teachers Partylist at Kabataan Partylist Rep. Sara Elago, inihirit ng mga ito kay SC Chief Justice Diosdado Peralta na palayain na ang mga matatandang bilanggo na maituturing na vulnerable sa sakit at mga persons deprived of liberties (PDLs) sa iba’t ibant piitan sa bansa.
Ang kahilingan ng mga mambabatas sa kataas-taasang hukuman ay para na rin umano sa humanitarian consideration.
Naniniwala rin ang mga mambabatas na sa pamamagitan ng pagde-congest sa mga piitan at detention facilities ay magandang hakbang dahil ang mga siksikang piitan ay hotbed umano ng infection, amplification at pagkalat ng infectious diseases lalo na ang novel virus.
Maalalang noong Abril 8, 2020 ay naghain din ng petisyon ang ilang bilanggo para hilinging mapalabas ang ilang inmates na pinaniniwalaan nilang vulnerable sa sakit gaya ng mga matatanda, buntis at mga may sakit.