Bahala na ang National Task Force on Ending Local Armed Conflict sa pagtalakay kay Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pagpapalawig ng unilateral ceasefire sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA), ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.
Ginawa ni Roque ang naturang pahayag matapos atasan ng CPP ang NPA units nito na itigil muna ang palitan nang putok sa mga tropa ng pamahalaan at pinalawig pa ang kanilang ceasefire ng hanggang alas-11:59 ng gabi sa Abril 30, na siya ring deadline ng enhanced community quarantine sa buong Luzon.
“On whether the government would extend the unilateral ceasefire, this matter is something the National Task Force on Ending Local Armed Conflict can discuss with the President,” ani Roque.
Binigyang diin ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na ang kapayapaan ay hangad ng lahat at ito rin aniya ang mahalaga lalo pa at nahaharap ang bansa sa public health emergency at state of calamity bunsod ng COVID-19 pandemic.