-- Advertisements --
Menardo Guevarra

Dahil matatagalan umano bago matapos ang isinasagawang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa kontrobersiya sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), inatasan ngayon ng Department of Justice (DoJ) na magbigay ng inisyal na update ang NBI sa kanyang opisina.

Sa ipinatawag na press conference ni Justice Sec. Menardo Guevarra, sinabi ng kalihim na mahigpit ang utos niya sa NBI na agad magsumite ng ano mang resulta ng kanilang isinasagawang imbestigasyon para agad maiparating sa Pangulong Rodrigo Duterte.

Una rito, sinabi ni Guevarra na posibleng abutin hanggang sa katapusan ng taon ang isasagawang imbestigasyon.

Paliwanag ni Guevarra, masyado raw kasing malawak ang sakop ng nasabing imbestigasyon kayat matatagalan bago mailabas ang kabuuang resulta.

Inaasahan ilan sa mga tututukan ng imbestigasyon ay ang non-remittance ng PCSO at mga tao na nasa likod nito.