Isinabatas na ng Greek parliament ang same-sex marriage sa bansang Greece sa botong 176 na pabor at 76 lamang ang tumutol. Sa naturang batas ay pinapayagan na rin na mag-ampon at makatanggap ng full parental recognition ang same-sex couple.
Dahil dito, ang bansang Greece na ang ika-16 na miyembro ng European Union at kauna-unahang Orthodox Christian country na nagsabatas ng marriage equality.
Sa isang online post, sinabi ni Greece Prime Minister Kyriakos Mitsotakis na ang pagkapasa ng same-sex marriage ay isang milestone sa human rights ng bansa at isang pagpapatunay na ang Greece ay isang progresibo at demokratikong bansa.
Dagdag pa ni Mitsotakis, binubuwag umano ng batas ang hindi pagkakapantay-pantay sa lipunan. Aniya, wala dapat “second-class citizens” at hindi dapat tingnan ang LGBTQIA+ community na “children of a lesser God.”
Maraming natuwa sa bagong batas na ito ng Greece kabilang na ang mga LGBT at human rights groups. Subalit dahil karamihan ng mga mamamayan doon ay Orthodox Christian, marami rin ang nagpaabot ng pagtutol at protesta.
Sa isang liham na ipinadala ng Holy Synod ng Orthodox church sa mga mambabatas, sinabi nitong binubuwag ng batas ang tunay na konsepto ng pagiging ina at ama. Nagbabala rin ang ilang obispo na hindi umano nila bibinyagan ang mga anak ng same-sex couples.