-- Advertisements --

Dahil na rin sa pangamba na dulot sa publiko ng mga kumalat na balitang magkakaroon ng malawakang lockdown sa panahon ng kapaskuhan, nakahanda raw ang Department of Justice (DoJ) na paimbestigahan ang naturang fake news na kumalat noong weekend.

Pero sa ngayon, sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na irereserba na muna niya ang resources ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa iba pang mas mahahalagang bagay. 

Gayunman, kapag mayroon daw silang makitang senyales na sinasadya ang pagpapakalat ng fake news kaugnay ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na maaaring magdulot ng pagkabagabag ng publiko o pananabotahe lamang sa ekonomiya ay agad niyang pakikilusin ang NBI.

Ito ay para habulin at mapanagot ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling impormasyon.

“For as long as the govt could quash all of these false information through the usual communication channels, i will reserve the resources of the NBI for more urgent and critical investigations. however, if there are signs that misinformation about the covid-19 situation are deliberate and coordinated to create public unrest or sabotage the economy, i will immediately deploy the NBI to intervene and find out who are perpetrating this malicious misinformation,” ani Guevarra.

Pinayuhan naman ni Guevarra ang publiko na kapag mayroong mga halata namang pekeng balita ay hintayin na lamang nila ang mahahalagang anunsiyo mula sa opisyal ng pamahalaan at huwag basta-basta naniniwala sa mga tsismis.

Noong Linggo nang kumalat ang maling impormasyon na magkakaroon umano ng malawakang lockdown mula December 23, 2020 hanggang January 3, 2021 bilang bahagi ng preemtive measures ng gobyerno para maiwasan ang paglobo ng kaso ng COVID-19ngayong holiday season.

Ang naturang impormasyon ay mariin na ring pinabulaanan ng National Task Force Against COVID-19 at maging ng Malacanang. 

“Regarding the so-called christmas lockdown that was obviously fake news, i advise netizens to just wait for statements from official sources rather than pass the rumor around. the more the rumor circulates, the faster it assumes the illusion of truth,” dagdag ng kalihim.