-- Advertisements --

Tiniyak ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na ipatutupad nito ang desisyon ng Cebu Provincial Government na pahintulutan na ang full capacity sa mga pampublikong sasakyan epektibo Marso 1.

Ayon kay PNP Chief PGen. Dionardo Carlos na hindi na huhuliin ng PNP ang mga driver ng mga sasakyan na nasa full capacity sa lalawigan.

Pero patuloy parin aniyang babantayan ng PNP ang mga driver at kundoktor, maging mga pasahero sa pagsunod sa minimum public health standards, gaya ng pagsusuot ng facemask.

Nanawagan naman si Gen. Carlos sa tri-cities ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu na maglabas din ng kanilang desisyon kaugnay ng hakbang ng provincial government, dahil karamihan sa mga pampublikong sasakyan sa lalawigan ay dumadaan din sa mga syudad na ito.

Sinabi ni Carlos na ito ay para maiwasan ang kalituhan sa pagpapatupad ng PNP ng polisiya sa kapasidad ng mga PUV sa kabuuan ng Cebu.