-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ang malawakang pagtugis laban sa mga indibidwal na sangkot sa data leak o pagtagas ng sensitibong personal na impormasyon ng mga imbestigador ng Office of the Ombudsman.

Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., paiigtingin ng pambansang pulisya ang pagtunton sa mga nasa likod ng insidente upang masiguro ang kaligtasan ng mga apektadong kawani.

Kasama sa tututukan ng imbestigasyon hindi lamang ang mga panlabas na grupo, kundi maging ang posibleng pagkakasangkot ng mga internal actors sa loob mismo ng ahensya.

Nagbabala ang kapulisan na ang sinumang mapapatunayang sangkot sa data leak ay mahaharap sa mga kasong kriminal sa ilalim ng Data Privacy Act at Anti-Cybercrime Prevention Act.

Nag-ugat ang aksyon ng PNP matapos mariing kondenahin ng Office of the Ombudsman nitong Linggo ang pagkalat sa opnline platform ng pagkakakilanlan ng kanilang mga tauhan.

Ayon sa ahensya, ang insidente ay isang malinaw na hakbang upang takutin ang kanilang mga imbestigador at ilagay sa panganib ang kanilang buhay.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Office of the Ombudsman sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa PNP Anti-Cybercrime Group upang mapabilis ang pagtukoy at pag-aresto sa mga responsable.