-- Advertisements --

Magkahalong simpatya at pagkutya ang inaani ni Pinky Amador sa iba’t ibang social media kaugnay pa rin ng kumpirmadong pagwawala sa tinutuluyan nitong condo-tel na nakuhanan ng video.

Sa comment section ng official statement ni Pinky na idinaan sa Facebook ng talent manager nitong si Arnold Vegafria, kanya-kanyang palitan ng opinyon ang mga netizens.

Nariyan ang mga nagtanggol sa 54-year-old actress at hinikayat pa itong kasuhan ang pasikretong kumuha ng video dahil paglabag daw ito sa batas at layuning ipahiya lamang sa publiko.

Gayunman, may mga nagsabi rin na matapobre ang aktres dahil ganoon na lamang daw kung sigawan, murahin at duruin ang receptionist.

Una nang nag-sorry si Pinky o Pilar Cristina sa tunay na buhay pero iginiit na ipinaglaban lamang nito ang karapatan na mabuhay ng ligtas sa gitna ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.

Aminado ito na hindi na niya nakontrol ang galit dahil hindi pa rin inilalabas ang paulit-ulit daw niyang paghingi sa kopya ng hotel order hinggil sa biglang pagdating doon ng nasa 59 Overseas Filipino Workers.

Lingid aniya sa kaalaman ng mga kapwa niya residente sa gusali na ginawa pala iyon bilang quarantine facility, bagay na nakakaalarma lalot hindi sila inabisuhan man lang.

Tinawag pa nito na “malicious and vengeful” at paglabag sa batas ang pasikretong pagkuha sa kanya habang nasa kanyang “beast mode” sa naturang anim na minutong video.