DAVAO CITY- Sinimulan na ngayong araw ang paglilista sa mga residenteng mayroong alagang baboy sa Don Marcelino, Jose Abad Santos, Malita at Sta. Maria, Davao Occidental.
Ito ay base na rin sa nangyaring outbreak sa African Swine Fever sa nasabing probinsya kung saan umabot na sa mahigit 3,000 na mga baboy ang namatay.
Isinagawa ang paglilista upang masuri ng gobyerno ang bilang ng mga baboy na itinakdang sabay-sabay na kakatayin.
Nababatid na babayaran ng gobyerno ng P5,000 ang kada isang baboy bilang assistance para sa mga hog raisers.
Kinakailangan umano na i-turn-over sa gobyerno sa pamamagitan ng mga barangay kapitan ang mga alagang baboy upang mapigilan ang pagkalat ng African Swine Fever.
Pinaalahanan naman ni Gov. Claude Bautista ang lahat ng mga barangay officials na pwede silang maharap sa kaso kung hindi nila susundin ang mandato.
Kung maaalala, sa nangyaring pagpupulong sa Lungsod ng Malita, Davao Occodental, na dinaluhan nila Department of Agriculture (DA)-11 Regional Director Ricardo Oñate Jr., Gov. Claude Bautista at mga mayor nga iba’t-ibang lungsod, napagpasyahan na ang lahat ng baboy hindi lamang sa Don Marcelino kung di ang buong Davao Occidental ang kinakailangan na kitilin.