-- Advertisements --
jeep

Pinahintulutan na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang paglipat ng prangkisa o Certificate of Public Convenience (CPC) para sa public utility vehicles (PUVs).

Ang hakbang na ito ng ahensiya ay kasunod ng kahilingan ng ilang transport groups gaya ng Nagkakaisang Samahan ng mga Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas Inc. para sa pag-aaral ng Memorandum Circular (MC) 2016-010.

Sa ilalim kasi ng naturang memo, pinagbabawalan ng LTFRB ang pagbebenta at paglilipat ng nasabing certificate sa ibang mga operator.

Inisyu ito upang maresolba ang problema ng commercialization ng certificate o prangkisa ng mga ‘buy and sell operator’ na inaabuso ang proseso ng pagkuha ng prangkisa sa pamamagitan ng trafficking sa Certificate of Public Convenience sa mas malaking tubo.

Subalit matapos ang pag-aaral na isinagawa ng LTFRB sa naturang memo at serye ng consultative meetings, nagpasya ito na payagan na ito at naglatag na lamang ng safeguards at parameters para mapigilan ang fraudulent schemes.

Para matanggal ang ban sa franchise transfer, inisyu ng LTFRB ang MC 2023-027 o ang Guidelines on the Transfer of Certificate of Public Convenience.

Sa pamamagitan nito, mas magiging madali na ang pamamahagi ng tulong sa mga operator gaya ng Pantawid Pasada o Fuel subsidy program ng pamahalaan.

Gayundin, mas madali ng mapabilang ang operators sa Public Utility Vehicle Modernization Program dahil mas mabilis na nilang maililipat at mairerehistro ang kanilang mga sasakyan.