Nanawagan ang National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) sa Kongreso at sa Executive branch na panatilihin ang mandato ng Saligang Batas para sa regular at napapanahong halalan.
Mariing tinutulan ng grupo ang anumang hakbang na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2026.
Ayon sa NAMFREL, ang halalan ay hindi maaaring ipagpaliban ayon sa kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan dahil ito ay karapatan ng mamamayan.
Binalaan din ng grupo na ang paglipat ng pondo ng Commission on Elections (COMELEC) sa ibang programa ay paglabag sa Konstitusyon at banta sa kalayaan ng institusyon.
Iginiit ng NAMFREL na ang krisis sa Middle East ay hindi sapat na dahilan upang ipagpaliban ang halalan. Binatikos din nila ang paulit-ulit na pagpapaliban ng BSKE na umano’y nagiging paraan para mapanatili sa puwesto ang mga opisyal.
Hinimok ng NAMFREL ang lahat ng Pilipino na maging mapagmatyag at ipaglaban ang karapatang bumoto sa itinakdang panahon.















