-- Advertisements --

Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga awtoridad sa Czech Republic upang mapabilis ang deportation pabalik sa Pilipinas ng puganteng dating mambabatas na si Elizaldy Zaldy Co.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, maaaring maibalik sa bansa ang dating opisyal sa loob ng isa hanggang tatlong linggo matapos itong matagumpay na maaresto sa Prague.

Aminado ang kalihim na nagkaroon ng kaunting complication sa proseso dahil walang dalang anumang travel documents si Co nang masabat ito.

Una nang kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagkaaresto sa dating opisyal na siyam na buwang nagtago sa ibang bansa.

Pagdating sa bansa, isasailalim si Co sa isang komprehensibong physical examination sa Camp Crame upang matukoy kung fit for trial ito.

Agad siyang ililipat sa Sandiganbayan para sa kaniyang arraignment at detensyon habang hinihintay ang desisyon ng korte kung bailable ang kaniyang mga kaso.