-- Advertisements --

Isang grupo ng mga international legal experts at kilalang personalidad sa larangan ng batas ang nakatakdang susuri sa jurisdiction challenge na inihain ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Ang Appeals Chamber ng ICC ang magpapasya kung may sapat na kapangyarihan ang tribunal upang ipagpatuloy ang mga kasong crimes against humanity laban kay Duterte, na itinuturing ding kauna-unahang lider sa Asya na nakadetine sa The Hague.

Mga miyembro ng Appeals Chamber

Pinamumunuan ang chamber ni Luz del Carmen Ibáñez Carranza ng Peru, na nagsisilbing presiding judge.

Screengrab from ICC

Bago siya mapabilang sa ICC, naging senior national prosecutor muna siya na humawak ng mga kasong may kaugnayan sa terrorism, human rights violations, at crimes against humanity.

Aktibo rin siya sa mga programang tumutulong sa mga biktima, kabilang ang paghahanap sa mga nawawala at rehabilitasyon ng mga naapektuhan ng karahasan.

Kabilang din sa panel si Tomoko Akane ng Japan, na nagsimula bilang public prosecutor noong 1982 at umakyat sa hanay ng hudikatura hanggang sa maging bahagi ng Supreme Public Prosecutor’s Office ng kanyang bansa.

Screengrab from ICC

May malawak siyang karanasan sa criminal justice at naging propesor din sa law schools sa Japan.

Isa pang miyembro si Solomy Balungi Bossa ng Uganda, na nagsilbi sa iba’t ibang international courts kabilang ang International Criminal Tribunal for Rwanda at African Court of Human and Peoples’ Rights.

Screengrab from ICC

Kilala rin siya bilang human rights advocate bago naging hukom.

Kasama rin sa Appeals Chamber si Erdenebalsuren Damdin ng Mongolia, na may mahigit tatlong dekadang karanasan bilang hukom, prosecutor, at defense counsel.

Naging bahagi siya ng Supreme Court ng Mongolia at tumulong sa reporma ng criminal justice system ng kanyang bansa.

Screengrab from ICC

Samantala, kabilang din si Gocha Lordkipanidze ng Georgia, dating justice minister, diplomat, at eksperto sa international law.

Screengrab from ICC

Naging mahalaga ang kanyang papel sa mga negosasyon na humantong sa pagbuo ng Rome Statute, ang kasunduang nagtatag sa ICC.

Ang magiging pasya ng Appeals Chamber ay inaasahang magtatakda kung maaaring ituloy ng ICC ang pagdinig sa mga kaso laban kay Duterte, partikular ang mga alegasyon ng malawakang paglabag sa karapatang pantao.

Posible ring magkaroon ng malawak na implikasyon ang ilalabas nilang desisyon hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa international justice system.