-- Advertisements --

Nababahala si Senate Committee on Games and Amusements Chairman Lito Lapid sa paglipana ng advertisement para sa online gambling sa mga social media platforms sa bansa.

Ayon kay Lapid, delikadong malulong sa online gambling ang mga kabataan na maagang ma-expose sa pamamagitan ng social media platforms.

Ito rin anya ay makasisira sa kanilang pagpapahalaga at moralidad kung hindi maaagapan ng gobyerno.

Sinabi pa ng senador na napakadaling maglagay ng mga aplikasyon sa mga cellphone at ibang mga mobile devices para sa online gambling. Ito ay kadalasang hindi nababantayan ng mga magulang. Napakadali din magparehistro dito sapagkat pangalan at edad lang ang kailangan.

Kabilang sa mga online gambling na kinahuhumalingan ng mga kabataan ngayon ay ang poker, roleta, color games at iba pang sugal na tulad ng casino.

Dahil dito, maghahain ang Senador ng isang resolusyon para paimbestigahan sa komite ang paglipana ng mga illegal na sugal online at makabalangkas ng batas para masawata o mapigilan ito.