-- Advertisements --

Pinabulaanan ni Speaker Alan Peter Cayetano ang pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na ang paglilipat ng P1.5-billion Southeast Asian Games funds mula sa Philippine Sports Commission (PSC) budget papunta sa private foundation na Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) ay maihahalintulad sa pork barrel scam.

Sa isang ambush interview sa San Juan City nitong umaga, iginiit ni Cayetano na nagkaroon ng pagnanakaw mula sa pondo ng pamahalaan sa nangyaring pork barrel scam, bagay na malayo aniya sa nangyari sa PHISGOC.

“Ang nangyari kay Napoles, peke yung mga delivery, ninakaw ang pera. Hindi naman crime yung sa Napoles na may foundation eh. Hindi naman crime sa Napoles na meron kang hawak na government funds,” ani Cayetano.

Nabatid na ang P7.5 billion-SEA Games budget para sa taong ito ay orihinal na nakalagay sa ilalim ng Department of Foreign Affairs (DFA), na dati ring pinagsilbihan ni Cayetano bilang dating head.

Subalit nang maupo na sa puwesto si Sec. Teodoro Locsin Jr., sinabi nitong ibinigay niya ang SEA Games fund pabalik sa Department of Budget and Management (DBM).

Gayunman, kumbensido si Cayetano na hindi iregular sakaling ang SEA Games funds ay orihinal na inilagay sa ilalim ng DFA.

“In-approve nila eh. I have a memo to the secretary, to the executive secretary asking that the whole budget be put under the Office of the President. And sumagot sila that after consulting everyone and their legal, it should be under the DFA sapagkat ako ang secretary nun and chairman,” saad nito.