Para mabigyan ng kinakailangang manpower at suporta ang mga guro sa pagbibigay ng de kalidad na pagtuturo sa mga mag-aaral, inaprubahan ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Ito ay alinsunod sa nilabas na roadmap ng DepEd para sa MATATAG agenda.
Ang 5,000 non-teaching positions na ito ay binubuo ng 3,500 Administrative Officer (AO) II positions na layunin ma-relieve ang mga guro mula sa mga gawaing pang-administratibo at 1,500 naman para sa Project Development Officer (PDO) I positions na susuporta sa pagpapatupad ng mga programa ng paaralan, mga proyekto at mga aktibidad.
Ang naturang mga posisyon ay idedeploy sa iba’t ibang School Division Offices sa mga rehiyon tulad ng Cordillera Administrative Region (CAR), CARAGA, National Capital Region (NCR), Regions I hanggang Region XII.
Matatandaan na una ng binigyang diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan na mabawasan ang workload ng mga guro para mapanatili ang mataas na kalidad ng edukasyon at maprotektahan ang kanilang mental health.